ang mahal kong MunSci
SA LAHAT NG mga lugar, ang Mataas na Paaralang Pang-Agham ng Muntinlupa ang talagang espesyal sa akin. Kasama ng aking mga kaibigan, itinuring namin itong aming maliit na mundo. May pagkamalayo kasi ito sa kabihasnan. Matatanaw mo mula rito ang bayan ng Rizal sa kanluran, at maraming bahay sa ibabaw ng mga tiyakad at mga buklod para sa mga isda sa silangan. Katabing-katabi nito ang payapang baybayin ng Laguna. Minsan, may hindi kanais-nais na amoy na nagmumula sa lawa. Dulot ito marahil ng mga oil spills at industrial wastes ng mga karatig na pagawaan ilang taon na ang nakararaan. Kapag high tide naman, sapat na ang kaunting ulan upang bumaha nang ilang pulgada sa paaralan.
Nakilala ko ang mga pinakatotoong kaibigan sa aking buhay sa kantinang mala-palengke sa ingay at parang lata ng sardinas kapag nagsasabay-sabay kumain ang mga mag-aaral mula sa lahat ng antas. Noong una’y para akong kometang hindi alam kung saan patutungo, ngunit nang pumasok ako’t kumain sa kantina, maraming nakipagkilala at nakipagkuwentuhan sa akin. Naging palagay ang loob ko sa kanila dahil napakarami pala naming pagkakapareho. Itinuring ko nang mga kapatid silang mga batchmates at schoolmates ko.
Natuto ako ng mga leksyong pang-akademiko at pang-araw-araw sa mga silid-aralang tamang-tama lamang ang laki para sa mga diskusyong pangklase, pagdiriwang, at kung minsan, mga palaro. Saksi ang kanilang apat na pader sa alitan at pagbabati, pagliligawan at pakikipag-break, kopyahan at debate, sayawan at kantahan at iba pang aktibidad na ikinasasakit ng ulo ng aming mga guro. Narinig na nila kaming magreklamo tungkol sa mahihirap na pagsusulit, mag-iyakan sa mabababang marka at magsigawan sa mga nababalitaang panalo ng paaralan. Ito ang aming santuaryo, ang aming proteksyon laban sa mga “masasama”: mapa-tao, panahon o damdamin.
Nagmahal, nadapa, nakipagkasiyahan at nasaktan ako sa mga pasilyong wari’y pinahiran ng sebo. Dito ako tinanong ng aking kabarkada kung maaari siyang manligaw sa akin, at dito ko rin siya tinanggihan. Dito kami umiyak ng aking matalik na kaibigan nang malaman naming hindi kami nanalo sa isang rehiyonal na patimpalak sa pamamahayag. Dito nagdiwang ang buong batch matapos ang pinakahuling peryodikong pagsusulit ng aming ikaapat na taon. Sa mga pasilyong ito parang nadulas rin ang oras at napakabilis na dumaan sa harap naming lahat.
Naranasan ko ang kakaibang relasyon ng mga guro, mag-aaral, kawani at administrasyon sa faculty room na napakaliit para sa dalawampung mahigit na guro. Malaya ang mga mag-aaral na makipag-usap sa mga guro, siyempre, kung hindi sila abala sa gawaing pampaaralan. Kung gaano nagyeyelo sa lamig sa loob ng silid, ganoon naman kainit ang pagtanggap at pang-unawa sa amin ng mga itinuring na naming pangalawang magulang.
Seryoso ang lahat kapag oras ng klase, ngunit sa pagtatapos ng araw ay magkakaibigan kaming lahat. Kung makapagsasalita lamang ang mga kahel na pader at malawak na quadrangle ng paaralang ito, sila na ang makapagsasabi kung bakit ko ito minahal, at kung.gaano ko pa ito patuloy na mamahalin.
Nagtapos na ako sa mataas na paaralan, ngunit nasa puso ko pa rin ang pagiging MunScian. Dito, napatunayan kong sa iba’t ibang planeta man tayo manggaling, tayo’y nasa iisang kalawakan at maaaring magtagpo ang ating mga bituin.
5:51 AM
wow. so true. :) i'm so gonna misss munsci. :( awww.. memories. top